News

CAGAYAN’S PRIDE JUN EPIFANIO N. PAGALILAUAN NCCA’s 13th ANI NG DANGAL AWARDEE

By Abigail Pineda,
Published 04:31 PM, July 12, 2021

Pinarangalan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang Cagayanong si ARCH. JUN EPIFANIO N. PAGALILAUAN bilang isa sa mga awardee ng 13th Ani ng Dangal ngayong taon sa ilalim ng kategoryang Visual Arts. Ito ay isang back-to-back feat para sa tanyag na arkitekto na ngayon ay nakabase na sa bansang Singapore.

Si Arch. Pagalilauan ay kinilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan noong 2017 bilang isa sa mga Gintong Medalya Awardees ng Dangal ng Lahing Cagayano Awards sa larangan ng Music, Arts and Culture.

Ang Ani ng Dangal Awards ay ipinagkakaloob ng NCCA para sa mga Pilipinong nagdadala ng karangalan sa bansa dahil sa kanilang natatanging husay at galing sa iba’t ibang larangan tulad na lamang ng Architecture at Allied Arts, Broadcast Arts, Cinema, Dance, Dramatic Arts, Literature, Music at Visual Arts.

Natanggap naman ni Arch. Pagalilauan ang pagkilala ng NCCA ngayong taon dahil sa kanyang international achievement na nagdala ng karangalan sa Pilipinas- ang LE PRIX DE LA PHOTOGRAPHIE DE PARIS na naganap noong nakaraang taon sa Paris, France.

Ang pagkapanalo ni Arch. Pagalilauan sa prestihiyosong photography contest sa Paris ay isa lamang sa mga international achievements ng litralista.

Napili ng mga hurado ng kanyang mahuhusay na litrato sa Budapest International Foto Awards (Gold Winner), France Visions International Photo Awards, Tokyo International Photo Awards, Moscow International Photo Awards, at marami pang iba.
Naging bahagi din ng mga international photo exhibits ang kanyang mga collection.

Kinilala din siya ng United Architects of the Philippines bilang Most Outstanding Member (National Awards-Foreign) ngayong 2021.
Si Arch. Pagalilauan ay miyembro ng UAP-Singapore Chapter.

Siya din ay nagsilbing Community Ambassador ng Canon Singapore EOS mula 2012 hanggang 2019.

(MIA BAQUIRAN)