News

CAGAYANO PRIDE! KILALANG CAGAYANA SA IBA’T IBANG LARANGAN, ITINANGHAL BILANG OUTSTANDING PROFESSIONAL NG PHILIPPINE INSTITUTE OF ENVIRONMENTAL PLANNERS

By Abigail Pineda,
Published 08:10 AM, October 20, 2021

Namamayagpag ngayon ang pangalan ng prominenteng Cagayana na si Atty. Linda L. Malenab-Hornilla, isang abogada, guro, at environmental planner dahil kinilala itong Outstanding Professional in Environmental Planning ng Philippine Institute of Environmental Planners (PIEP) na ginanap ngayong Oktubre lamang.
Si Atty. Hornilla ay isang kilalang mambabatas, may-asawa at tubong Tuguegarao City na kilala sa kanyang iba’t ibang naging papel sa public service sa bansa.
Sa ipinamalas niyang pagmamahal sa serbisyo at propesyon, mahabang panahon ang iginugol nito upang manilbihan sa gobyerno.
Isa sa mga patunay sa kasanayan ni Atty. Hornilla ang pagseserbisyo sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Nanungkulan ito bilang Commissioner ng Housing and Land Use Regulatory Board noong 2017. Naging Undersecretary din siya ng Department of Justice simula 2007 at nanilbihan bilang Commissioner at Officer-In-Charge ng Office of the Vice Chairperson and Executive Officer ng National Police Commission.
Kabilang rin sa mga naging marka ng kanyang pagseserbisyo ang pagiging Associate Commissioner ng Bureau of Immigration, State Prosecutor II at Solicitor ng Department of Justice, maging ang pagiging law professor sa iba’t ibang kilalang law schools sa bansa.
Makikita rin ang dedikasyon ni Atty. Hornilla sa paninilbihan nito bilang Chairperson ng Grievance Committee ng Philippine Mediation Center Philippine Judicial Academy Supreme Court, Chairperson ng Technical Panel for Criminal Justice Education ng Commission on Higher Education, National Consultant ng Department of Tourism at marami pang iba.
Sa mga karangalang natanggap ay isa lamang ang pagbibigay ng PIEP sa kanya ng isa pang kahanga-hangang tagumpay bilang outsanding professional sa environmental planning.
Itinuon niya ang kanyang trabaho sa pagsusulong ng mga planong makakatulong sa pagtataguyod ng kasanayan at pagpaplano sa pagbabantay ng kapaligiran.
Ang Philippine Institute of Environmental Planners (PIEP) ay isang non-governmental at non-profit na samahan na may layuning isulong ang maiging pag-aaral, at pagpapaunlad ng pagpaplano upang maprotektahan ang tao at ang kapaligiran nito.
Sa kabila nito, dahil sa husay sa iba’t ibang larangan ay tumanggap rin si Atty. Hornilla ng iba’t ibang awards na nagpapatunay ng kanyang galing sa pagseserbisyo.
Kinilala ito bilang Outstanding Member (2008, 2002, 2000) ng University of the Philippines Women Lawyers’ Circle (WILOC), Outstanding Alumna (2008) ng National Defense College of the Philippines, Kammaranan Award (Outstanding Cagayano) na iginawad ng Provincial Government of Cagayan noong 1997, Outstanding Prosecutor ng magkasunod na taon, Hubert H. Humphrey North-South Fellow noong 1986-1987, Best Debater ng Netherlands Government Fellow sa Rotterdam, Netherlands noong 1986, Rizal Youth Leadership Training Institute Scholar, at kinilala ring best debater of the year ng Cagayan Teachers College noong 1968.
Tunay ngang isa si Atty. Linda L. Malenab-Hornilla sa mga taong ipinagmamalaki ng buong bansa, lalo na ng lalawigan ng Cagayan dahil sa mga nagawa at magagawa pa niya upang mapaunlad ang buhay ng kapwa Pilipino sa pamamagitan ng pinili nitong propesyon.
(JENEVIE C. LORENZO)