News

CAGAYAN PPO AT LASAM PNP, BUMUO NG TRACKER TEAMS PARA MAHANAP ANG NAWAWALANG POLICEWOMAN

By Julius Palcong, Provincial Information Officer
Published 09:22 AM, March 11, 2021

Bumuo ng mga tracker teams ang Cagayan Police Provincial Office at Lasam PNP upang mahanap ang nawawalang pulis na si PMSg. Jovelyn Camangeg.

Sa panayam kay Police Major Reynaldo Viernes, Chief of Police ng PNP Lasam sinabi nito na ginagawa lahat ng kapulisan ng lalawigan at PNP Lasam ang mga hakbang upang mahanap ang kinaroroonan ng nawawalang si MSg. Camangeg na kanila ng pinaghahanap mula pa noong Pebrero 19.

Ayon pa kay Major Viernes, ang pagbuo ng mga tracker teams ng CPPO at PNP Lasam ay upang masuyod ang lahat ng posibleng kinaroroonan ng nawawalang pulis at malaman kung ano nga ba ang sinapit nito.

Isa pang hakbang na sinabi ng hepe ay ang kanilang ginagawang koordinasyon sa lahat ng mga bayan sa lalawigan at karatig probinsiya upang makita sa mga CCTV ng mga bayan na ito kung napadaan ang sinasabing sasakyan ng pulis.

Bagamat, may mga anggulong nakikita na ang kapulisan, kanila umanog inaaral nang mabuti ang kaso ni Camangeg.

Nagdududa din ang PNP Lasam sa diumano’y texter na nagpakilalang si MSg. Jovelyn Camangeg ito at sinasabing huwag mag-alala ang lahat at huwag muna itong gambalain sa kanyang kinaroroonan. Sinabi pa diumano, ng nagpapakilalang pulis na siya ay nasa Metro Manila lamang at babalik din sa kanilang bahay sa Centro Dos ng bayan ng Lasam. Kanya muna rin diumanong inihabilin ang dalawa nitong anak sa pangangalaga ng kanyang kapatid.

Maging mga kaanak ng nawawalang pulis ay duda sa texter dahil sa istilo diumano ng pagpapadala ng mensahe ng kanilang kapatid. Ilocano umano ito kapag nakikipag-usap sa kanila,mapatext man o tawag sa kanyang cell phone.

Sa ngayon ay dalampung (20) araw ng nawawala ang nasabing pulis. Umaasa naman ang mga kamag-anak nito at mga kapwa pulis ni Camangeg na ito ay buhay pa at muling makakauwing ligtas sa kanyang pamilya at dalawang anak. (Eugene Carlo C. Tolosa)