News

CAGAYAN, IBANG PROV’L, CITY GOV’TS, NAKIBAHAGI SA ‘DISMISS DIS-INFORMATION’ SEMINAR

By GERARD JOSEF T. LUCENA, Provincial Information Office
Published 09:37 AM, January 28, 2019

PRESS RELEASE NO. 27-01
Enero 25, 2019

CAGAYAN, IBANG PROV’L, CITY GOV’TS, NAKIBAHAGI SA ‘DISMISS DIS-INFORMATION’ SEMINAR

Upang mapaigting ang laban sa pagkalat ng pekeng balita o fake news, nakibahagi ang Cagayan Provincial Information Office (CPIO) sa isinagawang Dismiss Disinformation seminar sa Hotel Carmelita, Lungsod ng Tuguegarao kahapon, Enero 24, 2019.

Naging pangunahing tagapagsalita si Philippine Information Agency (PIA) Senior Director for Strategic Communications Benjamin R. Felipe kung saan ibinahagi nito ang kalagayan ng bansa ukol sa pagkalat ng pekeng balita.

Ipinakita ni Felipe sa mga kalahok ang mga mapanganib na epekto ng fake news, at kung papaano ito mapigilan sa pamamaraan ng direktong pag-atake sa kahit isa sa mga tinawag niyang three-pillars of fake news: remarkable story, wide distribution, at amplification.

Hinikayat din ni Felipe ang mga kalahok na mag-isip ng mga paraan para kontrahin ang pekeng balita at maging bahagi ng kampanya laban sa mga ito.

Dinaluhan ng mga kinatawan ng information offices ng karatig-lalawigan ng Cagayan tulad Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya, maging ang City Government of Tuguegarao at Santiago.

Isa rin sa mga binigyang-pansin ni Director Felipe ang kahalagahan ng pakikipagtulungan sa publiko, civic societies, at public-private partnership upang mapigilan ang pagkalat ng fake news.

Samantala, kasalukuyan namang isinasagawa ng CPIO ang Community-Based Information Officers’ Basic Training and Workshop kung saan noong nakaraang Sabado ay ang mga taga-Pamplona ang unang naging kalahok sa programang ito.

Ngayong Sabado, Enero 26, 2019, tutungo ang CPIO sa Santa Praxedes at Claveria.

Alinsunod ang nasabing programa sa pananaw ni Gobernador Manuel Mamba na palakasin o i-capacitate ang purok o grassroots level at isama ang mga ito sa mga hakbangin ng pamahalaan para sa ikauunlad ng lalawigan.

Ang nasabing programa ng CPIO at ang iba pang programang iminungkahi ng mga kalahok sa nasabing seminar ay ikinagalak at kinilala ng PIA Senior Director.

Inihayag din niya ang pangangailangan ng pagsanay ng mga tagapagsanay para mas mapaigting ang kampanya laban sa peke at hindi-makatotohanang balita.

Ang seminar ay pinangunahan ng PIA-Region 02. (🖋GERARD JOSEF T. LUCENA)