News

BUKOD SA GYMNASIUMS, KINDERGARTEN ROOMS, POPONDOHAN DIN NG SEF

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 04:48 PM, October 10, 2017

PRESS RELEASE NO. 08-10 (10 October 2017)

BUKOD SA GYMNASIUMS, KINDERGARTEN ROOMS, POPONDOHAN DIN NG SEF

Bukod sa pagpapatayo ng school gymnasiums sa mga secondary schools ng lalawigan ay binabalak na ring magpatayo ni Gobernador Manuel Mamba ng Kindergarten school buildings na may children playground.

Ang planong ito ay kanyang ipinaalam kahapon sa naganap na pagbisita sa kanyang opisina ng secondary school principals mula sa ikatlong distrito ng lalawigan, sa pangunguna ni Claire Lunas, Consultant to the Governor.

Layon ng pagbisita ng secondary school principals ay upang hingin ang pahintulot ng Gobernador na iokupa ang Cagayan Sports Complex para sa napipintong pagsasagawa ng 2016 Cagayan Third District Schools Athletic Association(CATDSSAA) kung saan iba’t ibang sports events ang gaganapin doon.

Sa kalagitnaan ng pag-uusap ay ipinahayag ng Gobernador sa school heads na bukod sa pribilehiyong ipinagkakaloob sa high school students ay kailangan ding mapagtuunan ng pansin ang kindergarten pupils ng lalawigan.

“Ang pagkakaroon ng isang silid-aralan na may maaliwalas na paligid ay isang daan para higit na mapayabong ang kaalaman ng mga munting bata at ang palaruan ang huhubog sa mapanglikha nilang imahinasyon. Prayoridad ang edukasyon.

Lahat ng nauukol para sa batang Cagayano ay dapat isaalang-alang,” pahayag pa ng Gobernador.

Tulad ng gymnasiums, ang pondo para sa kindergarten buildings ay magmumula sa Special Education Fund (SEF).

Ayon sa Gobernador, kada taon ay umaabot sa P30 hanggang P40 milyong pondo ang inilalaan ng Pamahalaang Panlalawigan para sa programang pang-edukasyon.

Mula rito ay maglalaan siya ng pondo para sa school buildings para sa kindergarten pupils.

Dahil dito ay pinasalamatan ng school heads ang Gobernador at umaasa sila ng higit pang mga programa mula sa Pamahalaang Panlalawigan para sa kapakanan ng mga estudyante.

(Angely Sibayan-Lacambra)