News

BAYAN NG SANCHEZ MIRA, NAPANATILI ANG SEAL OF GOOD LOCAL GOVERNANCE NG LIMANG TAON MULA 2015

By Abigail Pineda,
Published 04:05 PM, July 21, 2021

Sa limang sunud-sunod na taon mula 2015, nakamit ng bayan ng Sanchez Mira, Cagayan ang Seal of Good Local Governance na iginagawad ng Department of Interior and Local Government sa mga LGUs na may natatanging performance sa iba’t ibang larangan.
Ayon kay Mayor Asela Sacramed, ang alkalde ng nasabing bayan, ang kanilang tagumpay ay dahil sa pagpapatuloy ng kanilang mga   “best practices” sa maraming taon.
Aniya, ang sikreto sa kanilang pagkamit sa National SGLG recognition sa sunud-sunod na limang taon ay dahil sa kanilang “commitment in God’s daily grace and guidance.”
Ayon kay Mayor Sacramed, sila ang kauna-unahang bayan sa lalawigan ng Cagayan na nag-organisa ng Ecumenical Council, kung saan naging kaakibat ng LGU ang iba’t ibang religious leaders.
Sinabi niya ang best practices ng kanyang lugar ay nakaangkla sa “God’s word, straightforward leadership, excellent service, and advancement in programs towards economic development.”
Binigyang-diin ng Local Chief Executive ng Sanchez Mira na ang good governance ay susi para sa pag-unlad ng isang bayan, na nagtataguyod ng magandang kalusugan at buhay ispiritwal.
Ang bayan ng Sanchez Mira ay third-class municipality na may Internal Revenue Allotment na P127.5 milyon.
Ang SGLG ay nagmula sa Seal of Good Housekeeping ng DILG. Ito ay simbolo ng maayos na pagogobyerno, integridad at magandang pamamahala ng mga LGUs, mula probinsiya, siyudad at munisipalidad sa buong bansa.