News

ARAW NG KALAYAAN: MALASAKIT SA KALAYAAN PARA SA MAS PROGRESIBONG KINABUKASAN

PRESS RELEASE NO. 01-06
JUNE 04, 2018

ARAW NG KALAYAAN: MALASAKIT SA KALAYAAN PARA SA MAS PROGRESIBONG KINABUKASAN

Bilang pagbibigay pugay sa Araw ng Kalayaan ngayong buwan, opisyal na binuksan ng mga empleyado ng Kapitolyo na pinangunahan ng Provincial General Services Office ang selebrasyon nito ngayong araw, June 4, 2018.

Para sa mas malawak na eksplanasyon ng ating tema ngayong buwan “Alagaan ang ating Kalayaan para sa mas masaganang kinabukasan,” naimbitahan si Professor Joseph Acorda, retiradong propesor ng Cagayan State University (CSU) at sa kasalukuyan ay part-time professor sa CSU at Isabela State University (ISU).

Ika niya, napakalinaw ng mensahe ng ating tema ngayon, tayong lahat na mga mamamayan ng bansang ito, lalong lalo na ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno, ay kailangang ipagtanggol ang ating kalayaan, lalo na sa anumang hamon. Pangalawa, para sa mas progresibong kinabukasan kailangan natin na tanungin ang ating mga sarili bilang empleyado ng gobyerno “Anong maibibigay ko upang masigurado ang mas maunlad na kinabukasan?”

“Ayon sa Section 01, Article 11 of the 1987 Constitution of the Philippines na nagsasabi, Public office is a Public trust, ibig sabihin na tayo ay nagtitiwala sa gobyerno at dahil tayo ay natitiwala sa gobyerno, naniniwala tayo na ang gobyerno ay magsisilbi sa mga tao ng sobra pa sa sapat. Public officials and employees must be able to be accountable to the people, serve our people with utmost responsibility, integrity, honesty, efficiency and act with patriotism and justice and live with modest life,” ayon kay Prof. Acorda.

“Paano pagsisilbihan ng gobyerno ang kanyang mamamayan? Ang gobyerno ay binuo at isang instrumento para magsilbi ngunit ipinahihiwatig ng batas na ang gobyerno ay may kakayahang magsilbi dahil sa mga empleyado o public servant na tapat sa interes ng publiko at sa mga pangangailangan ng mga tao.”

Ika pa niya, mayroon tayong dalawang bagay na inaalagaan at pinapalaki sa ating mga sarili. Una ay ang agila, sinisimbolo nito ang lahat ng mga bagay na mabuti at kanais-nais at ang pangalawa ay ang ahas, sinisimbolo ng ahas ang lahat ng mga bagay na masama, kasama na ang kamatayan. Alin sa dalawa ang nagingibabaw? Kung ano ang iyong nakikita at napapansin araw-araw ay siyang mananaig.

Ibig sabihin nito, nasa atin ang pasya kung alin sa dalawa ang ating tataglayin. Kung tayo ay magiging isang agila na tapat sa ating katungkulan at sa mamamayan, ika nila “there is no substitute in doing good” at kung pipiliin mo ang pagiging taong ulupong, ikaw ay madaling lapitan ng mga bagay na di kanais-nais.

Dagdag niya, hindi tayo nabubuhay ngayon dahil sa kasalukuyan, tanggapin at yakapin natin ang kasalukuyan dahil sa kasaganaan ng nakaraan, bigyan natin ng interes at umasa tayo sa mas mayabong na kinabukasan. Tayong lahat ay mabuhay para sa mas progresibong kinabukasan.

Paano natin magagawang progresibo ang ating kinabukasan? Pagsikapan natin ang ating kinabukasan, ito ay dapat linangin upang lumago nang sa gayon lahat tayo ay tatanggap nito ng may pagmamalaki.

Ginawaran naman ng Certificate of Appreciation ni Governor Manuel Mamba si Prof. Joseph Acorda bilang pasasalamat.

Samantala, pinayuhan din ni Gobernador Mamba ang mga bagong Sangguniang Kabataan Chairmen na huwag masilaw sa salapi at mangyayari ulit ito kung ito ay pababayaan natin. Hindi magandang tignan na sinusuhulan natin ang mga kabataan na gumawa ng masama. Ika pa niya ay palagi nating isa-isip ang kung anong makakabuti sa ating probinsiya. (MARITHE MATA)