News

AGTA COMMUNITY SA PEÑABLANCA, CAGAYAN, NAPAGKALOOBAN NG FAMILY FOOD PACKS MULA SA TAHA FOUNDATION-HELPING HAND FOE RELIEF AND DEVP’T, PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 08:22 AM, November 6, 2018

PRESS RELEASE NO. 04-11
Nobyembre 6, 2018

Nabiyayaan ng family food packs ang Agta Community sa Barangay Aggugaddan, Peñablanca, Cagayan sa pamamagitan ng Taha Fundation-Helping Hand for Relief and Development sa tulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Ang mga food assistance packs ay kabilang sa 430 food packs na itinakdang ipinamahagi ngayong Martes, Nobyembre 06, 2018, bilang tulong pa rin sa mga nasalanta ng Bagyong Ompong sa nasabing lugar.

Ang operasyon ay pinangunahan ng Taha Foundation-Helping Hand for Relief and Development, Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), at ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Bayan ng Peñablanca.

Lulan ng dalawang bagong Russian truck ng Kapitolyo ang mga ipinamahaging food assistance packs.

Hindi naman natinag ang grupo sa layo ng target area, kahit na kinailangan pang tumawid ng Tawi Bridge na noong ilang araw lang ay impassable dulot ng Bagyong Rosita.

Pawang pasasalamat ang namutawi sa mga bibig ng mga kababayan nating Agta sa ibinigay na tulong ng Taha Foundation-Helping Hand for Relief and Development at ng Pamahalaang Panlalawigan. Tinanggap ng mga kababayan nating Agta ang 10-kilong bigas at sari-saring mga grocery items.

Ayon sa hepe ng kanilang komunidad na si Marita Mondejar, lubos silang nagpapasalamat sa anumang dumating na tulong mula sa gobyreno lalung-lalo na sa Kapitolyo at sa mga may mabuting kalooban tulad ng Taha Foundation-Helping Hand for Relief and Development.

Bukod sa Aggugaddan ay nagbaba rin ng food packs sa Barangay Camasi.

Naitala ang mga benepisyaryo sa opisyal na listahan ng MSWDO ng Peñablanca kung saan ang mga mabibiyan ay ang mga marginalized farm families o mga nagsasaka ng mais o palay sa lupang may sukat na kalahating ektarya at pababa; at mga pamilyang may totally-blown houses.

Ganito rin ang ipapadalang tulong ng Oplan Tulong Cagayan kung saan bawat buwan hanggang Disyembre ay may tig-10 kilo na bigas at food assistance ang mga nabanggit na benepisyaryo.

Bago pa man isinagawa ang operasyon sa mga barangay ng Peñablanca, ang grupo ng Taha Fundation-Helping Hand for Relief and Development ay binati at tinanggap ni Atty. Maria Rosario Mamba-Villaflor, ang Chief of Staff ng Kapitolyo, sa opisina ni Gobernador Manuel Mamba.

Ayon kay Anna Tajannah Basman, Program Manager, pinili nila ang Peñablanca dahil sa pagnanais nilang tumulong sa nasabing bayan kung saan marami ang napaulat na nasalanta ng bagyo at dahil nakasentro na sa ibang bayan ang tulong na ibinibigay ng ibang mga grupo.

“We want to reach out because, as far as we know, the food insecurity will last until December. That’s what we’re trying to address and we’re in collaboration with the government in this effort,” ani Basman.

Dagdag niya, ito ang unang pagkakataon na nag-abot ng tulong ang Taha Foundation-Helping Hand for Relief and Development sa hilagang bahagi ng Pilipinas.

Nagpasalamat din ang nasabing grupo sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at kay Gob. Mamba sa tulong ng PSWDO upang maging matagumpay ang distribusyon ng food assistance packs sa nasabing katutubong komunidad.

“We would like to thank the government of Cagayan for helping us implement the distribution of food packs smoothly. We are really grateful that you allowed us to reach out to those affected by the typhoon, a goal our organization and the government of Cagayan both share,” ani Basman. ( Gerard Josef Tumaliuan Lucena at Eugene Carlo Caleda Tolosa)