News

89 BLOOD BAGS, NAKOLEKTA NG PROV’L HEALTH OFFICE SA 3RD QUARTER BLOODLETTING ACTIVITY

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 08:25 AM, October 6, 2018

PRESS RELEASE NO. 08-10
Oktubre 6, 2018

Nakapagkolekta ng 89 bags ng dugo ang Provincial Health Office (PHO) ng Cagayan sa isinagawang 3rd Quarterly Bloodletting Activity nito sa Robinsons Place Tuguegarao noong Biyernes, Oktubre 5, 2018.

Ang nasabing aktibidad ay pinamagatang “Donate Blood, Save Lives: Certified Heroes,” kung saan binigyang-diin nito ang paghikayat sa mga Cagayano na tumulong sa kapwa niang nangangailangan ng dugo.

Kabilang ang nasabing aktibidad sa voluntary blood services program ng PHO kung saan katuwang nito ang Department of Health o DOH Region 02 at Cagayan Valley Medical Center o CVMC. Layunin din nito na tugunan ang demand sa dugo sa blood bank.

Ayon kay Doctor Carlos Cortina III, hepe ng PHO, nakabubuti sa kalusugan ang pagdonate ng dugo dahil matutukoy ang kalagayan ng kalusugan ng isang tao. “Sa paglista pa lang ng pangalan mo, doon makikita na yung timbang mo, blood pressure mo, at hemoglobin count mo, so malalaman ang state of health natin,” ani Doctor Cortina.

“Parang sa makina ‘yan. Parang change oil sa atin itong pagdodonate. Both sa donor and recipient, mas maganda ang nabibigay nito kasi parang panibagong dugo at mas magandang pakiramdam ang nakukuha natin dito,” aniya.

Bukod sa benepisyo nito sa pisyolohiya ng donor ay may epekto rin ito sa pakikitungo o relasyon sa ibang tao, aniya. “You are extending another friendship, another relationship, and laughter with other people. It’s very true kasi buhay ang sinasagipnatin dito eh – it can be extending or giving new life to another,” dagdag ni Cortina.

Samantala, sa pagkuha ng dugo, payo ni Doc Caloy na pumunta muna sa PHO para mabigyan ng request form sa CVMC blood bank kung saan sila makakakuha ng dugo.

Sa mga nais namang magdonate ng dugo, maaaring magpunta sa CVMC at sabihin lamang na ilaan sa blood bank ng Kapitolyo ang idodonate na dugo.

“Although negative tayo ngayon, ang maganda rito ay continuous ang ginagawa naman nating bloodletting activities…

Bagama’t hindi pa sigurado na lahat ng nakolektang dugo ay matatanggap dahil sa ang mga donors ay may kakulangan sa timbang, mataas ang presyon ng dugo, malakaing tulong pa rin ang mga na-donate na dugo na inaasahang aabot sa mahigit 50 bags, ani Cortina.

Malaking bagay aniya ang mga nakolektang dugo sa mga pasyente ng Dengue, mga nadisgrasya sa daan, mga nanganganak, at iba pang mga may sakit sa dugo na nangangailangan nito.

Sa patuloy na hakbangin ng PHO, nakakakolekta ang Pamahalaang Panlalawigan ng mahigit-kumulang 300 blood bags sa isang taon.

Samantala, nagpasalamat din si Cortina sa Robinsons Place Tuguegarao sa paglaan nito ng maluwag na espasyo para sa pamahalaang panlalawigan upang isagawa ang nasabing aktibidad.

Muli, hinikayat ni Doc Caloy na makiiisa sa bloodletting activities ng Kapitolyo at magdonate na alisin ang mga pagaalinlangan at takot sa pag-donate ng dugo.

“Alam ko na may social stigma din tayo sa blood donation dahil takot tayong malaman ang ating kalusugan…Sana yung agam-agam natin ay mawala. Kapag nubukan mo na ito, uulit-ulitin mo na at sana ganoon po ang gawin natin na isipin natin lagi yung mga natutulungan natin then yung sarili natin parang narerefresh pa,” ani Doc Cortina.

Maaaring sa Disyembre maganap ang ikaapat at huling bloodletting activity ng PHO para sa taong 2018. (Gerard Josef Lucena at Eugene Tolosa)

Malou Lingan-Bangan/PHO