News

430 FOOD PACKS, IPAPAMAHAGI NG TAHA FOUNDATION, OPLAN TULONG CAGAYAN SA PEÑABLANCA BUKAS

By Maynard Guzman, Provincial Planning And Development Office
Published 08:34 AM, November 5, 2018

PRESS RELEASE NO. 02-11
Nobyembre 5, 2018

Ipapamahagi sa bayan ng Peñablanca ang nasa 430 food assistance packs hatid ng Oplan Tulong Cagayan at ng Taha Foundation bukas, Martes, Nobyembre 06, 2018.

Binanggit ni Provincial Social Welfare and Development Officer (PSWDO) Helen Donato na ipagkakaloob ang food assistance packs sa mga marginalized farm families at mga pamilyang may totally-blown houses.

Dagdag ni Donato, ang mga food assistance ay nakatakda sanang ipamahagi noong Oktubre 30, 2018, ngunit ito ay naantala dahil sa pagdating ni Bagyong Rosita.

Nagpaabot ng pasasalamat si Donato sa Taha Foundation dahil sa tulong na binigay nito sa Pamahalaang Panlalawigan.

Samantala, umabot na sa 38,176 ang food assistance packs ang naipamahagi sa mga pamilyang benepisaryo ng Oplan Tulong Cagayan sa unang bugso nito.

Matatandaang ang Oplan Tulong Cagayan ay magpapatuloy sa loob ng tatlong buwan kung saan bawat buwan ay may tig-10 kilo ng bigas ang bawat pamilya.

Ayon kay Donato, sisimulan na ang ikalawang bugso ng Oplan Tulong Cagayan ngayong Nobyembre. Ito ay pinapangunahan ng puwersa ng PSWDO, Office of the Provincial Agriculturist, Provincial Office for People Empowerment, at Provincial Engineering Office.

Samantala, kasalukuyan pa rin ang repacking ng mga bigas at assorted canned goods sa Provincial Evacuation Center sa Cagayan Sports Complex sa Lungsod ng Tuguegarao.

Muling siniguro ni Gobernador Manuel Mamba na maibababa sa mga benepisaryo o ang “poorest of the poor” sa lahat ng bayan sa Cagayan. (Gerard Josef Tumaliuan Lucena at Eugene Caleda Tolosa)