News

3RD TOURISM ENHANCEMENT SEMINAR, MATAGUMPAY NA NAIDAOS SA APARRI

By Cristine Joy Castro, Provincial Information Office
Published 08:58 AM, September 6, 2019

Sa pangunguna ng Provincial Tourism Office alinsunod sa programa ng administrasyon ni Gobernador Mamba ukol sa pagpapaunlad ng turismo sa probinsya, naisagawa na nga ang 3rd Tourism Enhancement Seminar sa Aparri, Cagayan nitong September 4-6, 2019.

Matapos ang diskusyon ni Atty. Charo Mamba-Villaflor kahapon, sumunod naman na speaker si Randolph Simon, Founder ng Sta. Maria Culture-Based Rural Tourism (SMCBRT) na prinesenta ang istorya sa likod ng pagkakabuo ng SMCBRT sa Claveria. Ibinahagi niya ang iba’t ibang components ng kanilang naitatag na eco-tourism destination kung saan patok sa mga turista ang Mother of Perpetual Help Chapel, Kawa-Hotspa, Egret Bird Watching, Community Tour na may Carabao Driven Cart at Carabao Back Riding. Nagbigay alam rin siya ukol sa mga pwedeng pagpilian ng mga turista na mga package tour.

Samantala, si Mr. Jeffrey M. Pino, Tourism Officer ng Tanay, Rizal naman ay nagbahagi ng mga Best Practices in Tourism Governance kung saan binigyang diin niya ang kanilang local tour guiding na nagkaroon na nga ng asosasyon na tinatawag nilang Tourguiding and Recreational Association (TARA) ng Tanay. Ayon sa kanya, ang kasalukuyang matagumpay na estado ng Tanay sa turismo ay nagsimula lamang sa vision ng kanilang bayan na maging “regional tourism haven”. Dagdag pa niya, naisagawa nilang paunlarin ang turismo ng Tanay sa pagtutulungan nga ng kanilang lokal na pamahalaan at ng mga tao sa kanilang bayan na siyang nakatulong rin upang magkaroon ang mga lokal ng karagdagang pangkabuhayan. “Tourism has made our people, especially indigenous people, empowered,” aniya.

 

Sa ikalawang araw ng seminar, nagkaroon naman ang 104 kalahok ng pagkakataong makita ang mga ipinagmamalaking atraksyon ng Aparri at Camalaniugan. Unang nilibot ng mga kalahok ang Aparri at binisita ang opisina ng lokal na pamahalaan para sa isang courtesy call kay Mayor Bryan Chan kung saan mainit silang tinanggap bilang mga bisita. Habang nag-aalay pa ng ilang mga kanta para sa mga kalahok ang chorale ng lokal na pamahalaan ng Aparri, nabigyan naman sila ng patikim sa ilang mga pagkaing ipinagmamalaki ng bayan at binigyan pa ng kanya-kanyang tokens bilang pasasalamat sa pagbisita sa kanilang bayan.

Pagkatapos ng courtesy call, tumungo na ang mga kalahok sa Aparri Pier, CSU Aparri, Chinese Temple, Butterfly Garden, Ecclessiastical Museum sa San Ruiz Church sa Lyceum of Aparri. Nagkaroon naman ng pagkakataon ang mga kalahok na bisitahin sa Camalaniugan ang Spanish Horno kung saan mainit ring tinanggap ng mga lokal ang mga kalahok at sa Ananat Production Area, St. Hyacinth Church (Sancta Bell) at Old Church Ruins.

Nabanggit nga ni Atty. Charo Mamba-Villaflor kahapon na ang tour na nakalakip sa seminar ay isang paraan ng destination appreciation upang mas makita ng mga kalahok ang kung anong meron sa Aparri at sa katabing bayan nitong Camalaniugan na pwede nilang pagkunan ng mga ideya para sa pagpapaunlad ng kani-kanilang community based tourism.

Nagtapos ang enhancement seminar sa pamamagitan ng isang fellowship night na kung saan nagkaroon ng pagbabahagi ng mga napiling kalahok ng kanilang mga natutunan sa seminar at siyang naging paraan upang mas makilala at makasalamuha ng mga kalahok ang isa’t isa upang mas mapaigting ang pagtutulungan nila tungo sa pagpapaunlad ng turismo sa Cagayan. (Cristine Joy Castro)