Full Article

CAGAYAN NASA ILALIM NA NG STATE OF CALAMITY DAHIL SA BANTA NG COVID-19!

Idineklara ngayon ni Gov. Manuel Mamba na isinasailalim na sa State of Calamity ang buong lalawigan ng Cagayan kaugnay ng banta ng Corona Virus Disease o COVID-19.

Sa kabila na wala pang deklarasyon mula sa Sangguniang Panlalawigan ay ginamit na batayan ng gobernador ang “general welfare clause” na nakasaad sa Saligang Batas at maging ang direktang atas ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte para labanan ang malinaw at kasalukuyang panganib dulot ng COVID-19.

Ang hakbang ni Gov. Mamba ay para magamit ng mga lokal na pamahalaan mula barangay hanggang probinsiya ang kani-kanilang calamity fund para pangtustos sa anumang gastusin habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.

Lalo anang gobernador at iniatang sa mga Lokal na Pamahalaan ang paniniguro sa suplay ng pagkain sa mga mamamayan na hindi na pinapalabas ng kanilang tahanan at hindi na pinapayagang magtrabaho habang nakataas ang Enhanced Community Quarantine.

Kaugnay nito ay ipinapasakamay pa rin ng gobernador sa Sangguniang Panlalawigan kung pormal silang magde-deklara ng State of Calamity
sa Cagayan.

Matatandaang, nagpasa ng resolusyon ang Provincial Disaster Risk Reduction Management Council o PDRRMC na humihiling sa Provincial Board na isailalim sa State of Calamity ang lalawigan dahil sa banta ng COVID-19 sa isinagawang emergency meeting nitong nagdaang Araw ng Sabado, Marso-14, 2020.